Emily Maynard, Jef Holm nagkabalikan na?

Ilang araw matapos lumabas ang balitang tuluyan nang naghiwalay sina Emily Maynard at fiancé nito na si Jef Holm ay namataang muling magkasama ang dalawa sa isang parking lot. Ang The Bachelorette couple ay sabay na pumunta sa Charlotte, North Carolina noong Linggo kung saan naninirahan ang magulang ng dalaga. Dahil sa lumabas na litrato nina Jef at Emily na magkasama ay marami na ang nagduda na maaaring hindi totoo ang balitang nagkahiwalay na sila. Nakita sa litrato na ang 28-taong-gulang na si Jef Holm at 26-taong-gulang na si Emily Maynard ay magaksamang nakasakay sa iisang sasakyan kasama ang anak ng dalaga na si Ricki. 

Matapos nito ay nagbigay naman ng mensahe si Jef sa kaniyang Twitter account kung saan nabanggit niya na masaya siya sa kaniyang kasalukuyang buhay. Wala namang kumpirmasyon mula sa kampo nina Emily at Jef kung magkasama nga silang dalawa sa nagdaang weekend. Ilang linggo na ang nakakaraan nang kumpirmahin mismo nina Emily Maynard at Jef Holm na tuluyan na silang naghiwalay. Ipinaliwanag nila na naging mahirap sa kanila pareho ang naging desisyon. 

Si Emily ang unang nagkumpirma sa kaniyang pakikipaghiwalay sa fiancé nitong si Jef. Ipinaliwanag din ni Emily Maynard na hindi raw talaga dapat siyang sumali sa The Bachelorette noong una pa lamang ngunit bilang isang hopeless romantic ay naniwala siya sa magagawa ng programang The Bachelorette. Sa pamamagitan ng programa ay nakilala niya si Jef Holm at unti-unting nahulog ang loob sa binata. Wala rin umanong pagsisisi si Emily sa kaniyang pagsali rito dahil dito niya naramdaman ang tunay na pagmamahal ni Jef. 

Tumagal ng halos limang buwan ang engagement ng dalawa bago pa sila magdesisyon na tuluyan nang maghiwalay. Bagamat nauwi sa hiwalayan ang relasyon nina Emily Maynard at Jef Holm ay nangako naman ang dalawa na mananatili pa rin silang magkaibigan sa likod ng mga nangyari. Parehong pinasinungalingan nina Emily at Jef ang iba't-ibang espekulasyon na lumabas na naging dahilan umano ng kanilang hiwalayan. Sinasabing nahuli ni Jef Holm si Emily Maynard na may kausap na ibang lalake sa telepono. 

Sa huling naging panayam kay Jef ay nabanggit nito na nananatili pa rin silang magkaibigan ni Emily. Umaasa rin umano ang binata na mananatili ang kanilang magandang pagkakaibigan ng dalaga habang buhay. Alam umano ni Jef Holm na marami ang gustong makaalam ng tunay na dahilan ng kanilang paghihiwalay at pagkansela ng kanilang kasal. Aniya, katulad ng ibang magkasintahan ay minahal umano nila ni Emily Maynard ang isa't-isa at sinubukan hanggang sa huli na ayusin ang kanilang relasyon.

 

Posted in Emily Maynard, Jef Holm | Tagged , , | Leave a comment